Dahil sa madugong hostage crisis na kumitil sa siyam na turistang galing ng Hong Kong, malaking kuwestiyon sa administrasyong Aquino ang kakayahang hawakan ang mga kritikal na situwasyon kagaya ng hostage taking. Tuloy ay naungkat ang mga isyu kagaya ng kawalan ng kakayahan ng kasalukuyang pangulo na siyang isyu pa bago pa man siya maupo sa puwesto.
Tila baga nagkakatotoo na ang pangamba ng ilan na di rin magtatagal at mawawalan na ng amoy at lasa ang bagong adminstrasyon dahil sa kawalan ng kakayahan at mababaw na pamantayan sa pagpili ng mga uupo sa kanyang gabinete.
Kung maaalala ninyo, sa kanyang plataporma noong eleksyon, sinabi ni P-Noy na ang integridad, kakayahan, at performance ang siyang magiging batayan ng kanyang adminstrasyon sa pagpili sa mga taong bubuo sa kanyang gabinete. Ngunit dito sa platapormang ito ay tila bagsak na si P-Noy sapagkat ang mga bumubuo sa kanyang gabinete ay mga kaibigan, kaklase, mga dating nagsilbi sa kanyang ina na nauna pa sa kanya, at ang mga tumulong sa kanyang kampanya noong halalan. Ang kanyang basehan ng pag-pili ay base sa “utang na loob” at “katapatan sa partido”. Isang paulit-ulit na problema sa pulitika.
Sumisingaw rin ang di umano’y agawan sa mga cabinet position ng dalawang paksyon sa administrasyon, ang “Balay” na binubuo ng mga taong sumuporta sa tambalang Noy-Mar noong 2010 elections at ng “Samar” na kinabibilangan nga tumaguyod sa tambalang Noy-Bi.
Nakakalungkot isipin na paulit-ulit na lamang ang pangyayari. Nagpalit nga tayo ng adminstrasyon pero ang mga pumalit ay mas pulpol pa sa dating administrasyon.
Maaring magalit na sa akin ang mga bumoto kay P-Noy ngunit isa lang ang masasabi ko. Matagal na tayong binalaan noon pang halalan ukol sa kawalan ng kakayahan ni P-Noy ngunit hindi tayo nakinig at sa halip ay pumili tayo dahil sa sikat siya at anak siya ni ganito’t ganyan. Ngayong nangyari na ang trahedya dalawang linggo na ang nakalipas, anong mukha pa ang ihaharap ng mga bumoto, sumuporta, at nag-tiwala kay P-Noy? Buti na lang at hindi ko siya binoto. Kundi isa na ako sa mga nag-kamot ng ulo hanggang sa mapanot.
Hanggang kalian tayo matututo sa ating mga pinagdaanan? Ilang trahedya pa ba ang kailangan bago tayo mamulat at matauhan?
No comments:
Post a Comment